Sabungang ginawang 'shabungan', ni-raid ng NBI
MANILA, Philippines - Nalambat ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang maintainer-pusher ng isang drug den at 15 tauhan at mga parukyano nito sa isinagawang pagsalakay sa isang sabungan na ginawang ‘shabungan’ sa Dasmariñas Cavite, sa ulat kahapon.
Iprinisinta kahapon ni NBI Director Nestor Mantaring at Deputy Director Ruel Lasala ang maintainer na si Evelyn Gonzales, 38 ng Block 18 Lot 71 Purok 4, Bgy Victoria Reyes, Dasmariñas, Cavite; Rogelio Ortega; Ramil Gripon; Richard Tolero; Lauro Fajilan; Clyde Romero; Bienvenido Angeles; Danilo Rodriguez; Rodel Ruego; Mark Peril; Renato Chico; Christopher Beltran; Marlon Sanchez; Jefrey Saria; Alquin Decena at Adolfo Sapida, pawang residente ng Dasmariñas, Cavite.
Ayon kay Mantaring, Mayo 28, 2009, nang makatanggap ng impormasyon ang NBI Anti-Illegal Drug Task Force (AIDTF) hinggil sa umano’y isang sabungan sa Bgy. Victoria Reyes, Dasmariñas Cavite, na pinupuntahan umano ng mga tao para hindi para sa sabong kundi dahil dito nakakabili ng shabu.
Nabatid na pila-pila pa umano ang mga buyer o iskorer ng shabu kaya’t madaling naisailalim sa surveillance.
Dakong alas-3:00 ng hapon nang makipag-ugnayan ang NBI sa Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) at sa Cavite Police bago isinagawa ang joint operation.
Nasamsam ang mga shabu paraphernalia at cash na P288,000.00.
Ipinagharap na ng mga kaso ang mga nadakip. Pinaghahanap pa sina Emma Ilano at Eddie Ilano, na kapwa nakatakas at sinasabing maintainer din ng nasabing drug den.
- Latest
- Trending