Hahawak sa Barrameda case itinalaga na ng DOJ
MANILA, Philippines - Nagtalaga na si Justice Secretary Agnes Devanadera ng piskal na siyang hahawak at tututok sa kaso ng brutal na pagpatay sa kapatid ng beauty queen/actrses na si Rochelle Barrameda na si Ruby Rose Barrameda-Jimenez.
Base sa kautusan ni Devanadera, itinalaga nito si Senior State Prosecutor Theodore Villanueva upang magsagawa ng preliminary investigation (PI) sa kaso na itinakda sa Hunyo 26, 2009 dakong alas-2 ng hapon.
Ipinatawag na rin kahapon ng Department of Justice (DOJ) ang mga suspek sa kaso kasabay ng PI upang sumailalim sa pagsisiyasat.
Kabilang sa mga pinadalhan ng subpoena sina Atty. Manuel Jimenez Jr., biyenan ni Ruby Rose; ang mister ng biktima na si Manuel Jimenez III; kapatid ni Atty. Jimenez na si Lope Jimenez; Eric Fernandez; Spike Discalzo; Robert Ponce; Abet Dela Cruz at Manuel Montero.
Nakasaad sa subpoena na hindi dapat balewalain ng mga suspek ang nabanggit na pagdinig dahil nangangahulugan umano ito na isinasantabi nila ang karapatan na maghain ng depensa.
Sinabi naman ni Rochelle, na isa pa umano sa posibleng motibo ng krimen ay maaaring may natuklasan ang kanyang kapatid hinggil sa mga napapaulat na umano’y illegal na aktibidad ng pamilya Jimenez sa kanilang negosyo.
Iginiit din naman kahapon ni Barrameda na hindi niya babawiin ang kanyang mga naunang akusasyon na posibleng may kinalaman ang pamilya Jimenez sa pagkamatay ng kanyang kapatid.
Ang pahayag ay ginawa ni Barrameda kasunod nang pagbubunyag nito na ilang gabi bago narekober ang bangkay ng kapatid ay nakatanggap siya ng folder na nagsasaad na bawiin niya ang kanyang akusasyon laban sa pamilya Jimenez.
Personal namang nagtungo kahapon ang pamilya sa tanggapan ng DOJ upang i-follow up ang kasong murder na isinampa laban sa mga suspek. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending