Mancao pinakakalaboso sa Manila City Jail
MANILA, Philippines - Isang mosyon ang inihain ng abogado ng mga akusado sa Dacer-Corbito double murder case na naglalayong maisama sa kanyang mga kliyente sa Manila City Jail (MCJ) si dating police Senior Supt. Cesar Mancao na may special treatment sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sa apat na pahinang mosyon ni Atty. Dante David sa sala ni Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Myra Garcia-Fernandez ng Branch 18, hiniling niya na maipalipat sa MCJ si Mancao tulad ng ordinar yong bilanggo at mga akusado sa nasabing kaso.
Nabatid na si Atty. David ang legal counsel nina Marino Soberano, Jose Escalante at Mauro Torres, na kabilang sa 21 suspek na nakabilanggo kaugnay sa pagdukot at pamamaslang sa dating publicist na si Salvador “Bubby” Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000.
Iginigiit ng abogado na ang kaniyang mga kliyente ay may 8 taon nang nagdurusa sa MCJ habang si Mancao umano ay mistulang nakadetine sa isang ‘five-star hotel’ na kumpleto sa pasilidad.
Ayon pa sa abogado, isang premature conclusion ang idinadahilan ni Mancao na banta sa kanyang buhay na hindi pa napapatunayan sa isang pormal na pagdinig.
Iginiit pa ni Atty. David na ang pagkostudiya ng NBI kay Mancao ay maituturing na “pag -agaw” sa “power of supervision” ng hukuman para sa isang detenidong akusado.
- Latest
- Trending