MANILA, Philippines - Dapat humingi ng paumanhin sa mga opisyal ng pamahalaang-lunsod ng Maynila ang komite na nangasiwa ng pagdiriwang ng ika-111 Araw ng Kalayaan sa Rizal Park dito noong Biyernes.
Ito ang ipinanawagan kahapon ni Secretary to the Vice Mayor Bernardito Ang na nagsabing malinaw na intensyon ng naturang komite na bastusin ang mga halal na opisyal ng Maynila na siya pa namang punong-abalang lugar sa selebrasyon.
Pinuna ng mga kritiko na, bagaman imbitado sa okasyon sina Manila Vice Mayor Isko Moreno at 5th district Congressman Amado Bagatsing, hindi sila nabigyan ng karapat-dapat na respeto samantalang ang mga ito ay halal ng lungsod at hindi appointed.
“Kung tutuusin, mas may mandato silang dalawa kaysa sa mga guests na appointed lang. Sina Vice Mayor Moreno at Congressman Bagatsing ay may mandato dahil inihalal sila ng mga residente ng Maynila kaya ang ginawang pambabastos sa kanila ay pambabastos na din sa mga taga-Maynila at institusyon na kinakatawan nila,” dagdag pa ni Ang.
Idinagdag pa ni Ang na naglingkod bilang konsehal ng 3rd district ng Maynila na dapat lamang na maimbestigahan ang insidente upang malaman kung sino ang may pakana nito.
“Eh kung binastos din ng city government `yung opisyal na kumatawan sa ipinadala ng Malakanyang, di ba pangit din? Pero hindi ganoon ang Maynila,” ani Ang. (Doris M. Franche)