3 Intsik, 1 Tsinoy nalambat, P100-milyon drug bust sa Quezon City
MANILA, Philippines - Bumagsak sa pinagsanib na operatiba ng PNP Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tatlong pinaghihinalaang big-time drug trafficker na kinabibilangan ng 3 Intsik at isang Tsinoy kasunod ng pagkakasamsam sa 22-kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P100 milyon sa isinagawang drug bust operations sa Quezon City kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga nadakip na Chinese na sina Jiang Hou Zao, 47, ng Binondo, Manila; Jeson Akawu Jian, 38, ng Malabon , Chen Jun Yue, 31, ng Eastwood, Libis, Quezon City at ang Tsinoy na si Jojit Ilao, 34, ng Sampaloc, Maynila.
Ayon kay PNP-AID-SOTF Chief P/Deputy Director General Jefferson Soriano, pasado alas-8 ng umaga nang magsagawa ng drug bust operation ang mga awtoridad sa isang restaurant malapit sa Welcome Rotonda sa Kanlaon St., Brgy. Sta. Teresita, Sta. Mesa Heights ng nasabing lungsod.
Nakipag-deal ang poseur-buyer ng mga awtoridad na bibili ng dalawang kilo ng shabu kapalit ng marked money sa mga suspect. Matapos magkabentahan ay agad pinosasan ng arresting team ang nasorpresang mga suspect.
Nagtangka pang tumakas ang mga ito lulan ng kanilang mga behikulo subali’t agad silang naabutan ng mga awtoridad.
Bukod sa dalawang kilo ng shabu na una nang ibinenta sa poseur-buyer, nasabat din sa mga sus pect ang 20-kilo pa ng droga sa compartment ng kanilang sasakyang Nissan Grandeur. Sinabi ng opisyal na tinatayang nagkakahalaga ng P100 milyon ang narekober na high grade shabu.
Nasamsam rin sa mga suspect ang isang kulay abong Nissan Exalta (XBX-883), isang itim na Toyota Altis (XSU-502), berdeng Honda Civic ( XDS -845).
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga nasakoteng suspect.
- Latest
- Trending