MANILA, Philippines – Dahil sa hindi makontrol na paglaganap ng kriminalidad sa kanyang jurisdiction, isang police community precinct commander ang sinibak kahapon sa Malabon City. Sa ulat na ipinadala kay Northern Police District Director Chief Supt. Samuel Pagdilao Jr. mula kay Malabon Chief of Police Senior Supt. Roberto Villanueva, ang tinanggal bilang PCP commander ng PCP-3 ay si Insp. Redentor Tabo na may sakop sa Brgy. Longos at Tonsuya ng lungsod na ito. Nakasaad sa ulat hindi umano nasugpo ni Tabo ang mga nagaganap na frat war at barilan sa kanyang nasasakupan.
Ayon kay Pagdilao, matagal na niyang binalaan ang mga PCP commander sa pamamagitan ng kani-kanilang chief of police na kailangan pagbutihin nila ang kanilang tungkulin upang mahinto o mabawasan man lamang ang kriminalidad sa kanilang area of responsibility at kung sila ay mabibigo ay nararapat lamang na sila ay palitan. (Lordeth Bonilla)