'Gunman' sa Soneja ambush, timbog

MANILA, Philippines – Dinakip ng pulisya ang umano’y itinurong gunman ng isang testigo sa nabigong ambush kay Department of Trans­portation and Communi­ca­tion Assistant Secretary Elmer Soneja sa Pasig City noong nakaraang Miyerkules.

Si Jerry Stampador ay di­nakip ng pulisya sa kanilang bahay sa Brgy. Manggahan, Pasig City matapos na ituro ng witness na si Maricel Kalaw.

Ayon kay National Capital Region Police Office Chief, Supt. Roberto Rosales, si Stam­pador ay kabilang sa kanilang listahan ng mga kilalang kri­minal dahil sa pagkaka­sangkot nito sa iba’t ibang kaso.

Gayunman, agad din pina­kawalan ng pulisya si Stam­pador matapos na pagharapin sina Kalaw at ang suspek at aminin ni Kalaw na kahawig lang nito ang gunman.

Una ng nailathala ang artist sketch ng gunman at ng ka­sama nito na humarang at nagpaulan ng bala ng baril sa itim na Toyota Hilux ni Soneja habang ito ay naiipit sa trapiko dakong alas- 9:30 ng umaga sa Barangay Sta. Lucia noong Miyerkules.

Nagtamo ng tama ng bala ang biktima sa kaliwang balikat at agad naman na tumakas ang mga suspek sakay ng motor­siklo at tricycle. Bunsod nito’y ma­ituturing na blangko pa rin ang imbestigas­yon ng pulisya kung sino ang res­ponsable sa nabigong ambush kay Soneja.

Inamin naman ng pulisya na posibleng dahil sa pabuyang P1-M kaya nakakatanggap sila ng napakaraming impormasyon na maaaring magturo sa sus­pek. Sa ngayon ay masusi pa rin inoobserbahan ang kalaga­yan ni Soneja sa Medical City at hindi pinahihintulutan na ma­isailalim pa ito sa imbestigasyon o anumang katanungan.

Si Soneja ang chairman ng DOTC-Awards and Bids com­mittee kung saan dumalo ito sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa $329 million ZTE broadband deal at sinabi nitong hindi illegal ang nasabing transaksiyon. (Ricky Tulipat)


Show comments