MANILA, Philippines – Nabalot ng tensyon ang pagbiyahe ng daang pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) matapos na umusok at bahagyang mag-apoy ang isang bahagi ng coaches nito habang bumibiyahe sa kalagitnaan ng Kamuning Station at Cubao Station sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Sa takot ng mga pasahero nagmadaling magsipaglabasan ang mga ito sa tren nang tumirik sa kalagitnaan ng nasabing mga istasyon at nagmamadaling binaybay na lamang ang gilid sa kahabaan ng riles.
Dahil sa panakbuhan at pagmamabilisang pagbaba ng tren ay muntikan na ring magkaroon ng stampede.
Agad namang rumesponde ang mga pamatay-sunog buhat sa Bureau of Fire Protection ng Quezon City at kasama ang ilang empleyado ng MRT ay sinimulang tirahin ng fire extinguiser ang pinagmulan ng usok.
Nang mapawi ang usok, makikita ang mga nagkalat ng mga kagamitan ng mga pasahero sa loob ng tren na naiwan dahil sa pagmamadaling makalabas dahil sa takot.
Daang pasahero din na sumasakay galing Taft Avenue patungong North ang na-estranded sa loob ng isang oras.
Ayon sa pamunuan ng BFP, may posibilidad na ang pagkabasa ng koneksyon ng kuryente sa ilalim ng coaches ang sanhi ng pag-usok ng nasabing tren bunga ng pag-ulan.
Naniniwala naman ang ilang mga pasahero na ang pinairal na 24/7 o magdamagang biyahe ng pamunuan ng MRT ang sanhi upang magkaroon ng aberya ang bawat tren nito.
“Kasi simula ng magdamag silang bumibiyahe, madalas na silang nasisiraan kung minsan dalawang beses sa isang araw dahil may power failure daw,” ayon sa ilang pasahero ng MRT.
Ayon sa ulat, alas-9 ng umaga nang mangyari ang insidente matapos na magsakay ng ilang pasahero ang coaches 064-A sa North Avenue Station, Quezon Avenue Station at Kamuning Station patungong Cubao Station kung saan sa kalagitnaan nito ay nagsimula itong umusok.
Patuloy ang imbestigasyon ng pamunuan ng MRT station at BFP upang matukoy ang tunay na sanhi ng nasabing insidente. (Ricky Tulipat)