5-anyos patay sa gumuhong pader
MANILA, Philippines – Isang 5-anyos na batang babae ang nasawi matapos itong madaganan at ma-trap mula sa isang gumuhong pader sa lungsod ng Parañaque kamakalawa ng gabi.
Ayon kay P03 Angelito Lacaneta, ng Police Community Precinct (PCP) 3, Parañaque City Police, kinilala ang biktima na hindi na umabot nang buhay makaraang isugod sa South Superhighway Medical Center ay kinilalang si Rosemarie Saligumba, ng squatters area, Everlasting Compound, Brgy. Marcelo sanhi ng grabeng pinsala sa katawan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10 ng gabi sa nabanggit na lugar nang gumuho ang isang pader na nasa jurisdiction ng homeowners ng Annex 31, dahil na rin sa patuloy na pag-ulan at malakas ang hangin. Sinasabing hindi rin gaanong matibay ang pagkakatayo nito dahilan upang itoy tuluyang gumuho at mabagsakan ang dalawang kabahayan. Isa ay ang tinitirhan ng biktima.
Nakaligtas ang mga kaanak ng bata matapos na makalabas agad ang mga ito sa loob ng kanilang bahay pero na-trap na ang bata. Hanggang sa kasalukuyan ay iniimbestigahan pa ang nasabing insidente.
- Latest
- Trending