MANILA, Philippines - Matagal nang problema ng hanay ng Quezon City Police ang paulit-ulit na pambibiktima sa mga pasyente, doktor at mga nurses ng kilabot na grupong “Salisi gang” sa loob ng East Avenue Medical Center (EAMC) kung kaya mahigpit ang pagmamanman na kanilang ginawa dito.
Ngunit nanlumo ang tropa ng QCPD partikular sa Station 10 nang matuklasan ang hinahanting nilang suspek sa serye ng pagnanakaw sa nasabing ospital ay isang 60-anyos na lola matapos na maaresto kahapon ng hapon sa nasabing ospital habang bitbit ang ninakaw na cellphone at inoorder na pagkain ng isang nurse at doktora.
Kinilala ni SPO1 Raymund Ariola, desk officer ng Station 10, ang suspek na si Regina Valencia, biyuda, tubong Cebu at residente ng Brgy. Payatas sa lungsod. Siya ay nadakip ng guwardiyang si Lea Donaire habang itinatakas ang cellphone ng biktimang si Zandro Francisco, 30, binata, nurse at 1 kahon ng pagkain ng isang Dr. Santos ng nasabing ospital.
Ayon kay Ariola, maraming reklamo na silang natatanggap kaugnay sa grupo ng salisi gang at matagal na rin nila itong tinutugaygayan ngunit hindi nila akalain na ang gumagawa pa nito ay isang lola. Ayon sa ulat, nabuko ang modus operandi ni lola nang mawala ang naka-charge na cellphone ni Francisco sa nursing station dito ganap na ala-1:30 ng hapon.
Ayon kay Francisco, agad siyang nagtanong-tanong sa mga kasamahan ukol dito hanggang sa lumabas si Dr. Santos at sinabing nawawala rin ang kanyang biniling cake at napuna nito na isang matandang babae ang lumabas mula dito.
Sa imbestigasyon, malayang nakakapasok ng ospital ang suspect na lola sa pamamagitan ng pagkukunwaring pasyente na may bitbit na isang X-ray envelope saka sisimulan ang pagpasok sa bawat kuwarto dito para umano magnakaw.
Agad na hinanap ni Francisco ang suspect na lola kung saan naabutan niya ito na kausap na ni Donaire matapos sitahin dahil sa tila naliligaw ito hanggang sa makuha mula dito ang kahon ng cake at cellphone. (Ricky Tulipat)