Taxi driver walang pang-boundary, nangholdap
MANILA, Philippines – Natakot na walang pang-boundary, ngunit hindi natakot na makulong. Ito ang nangyari sa taxi driver na si Ricky Pablo matapos na arestuhin ng mga awtoridad dahil sa panghoholdap sa kanyang pasaherong estudyante para lamang may pandagdag sa kapos niyang pera na pang-boundary.
Si Pablo, 38, binata ng Nasario St., Bry. Bagbag, Quezon City ay nakapiit ngayon sa Station 3 ng Quezon City Police dahil sa panghoholdap sa biktimang si Maria Katlin, 22, dalaga, computer programmer at residente ng Del mundo St., Brgy. Ugong, Valenzuela city.
Ayon sa ulat, nadakip ang suspek ng mga barangay tanod sa may panulukan ng Sangandaan St., sa lungsod ganap na alas-5:30 ng hapon makaraang humingi ng saklolo ang biktima. Bago ito, sumakay umano ang biktima sa taxi ng suspek sa may bahagi ng Mindanao Avenue para magpahatid sa may Makati.
Ngunit ilang metro pa lamang ang itinakbo nila ay agad na nagdeklara ng holdap ang suspek at nilimas ang dalang cellphone at gamit ng biktima, bago pinababa ito. Hindi naman nawalan ng loob ang biktima at mabilis na humingi ng saklolo sa mga nasabing barangay tanod at hinabol ang saksakyan ng suspek hanggang sa maabutan sa nasabing lugar at inaresto.Inihahanda na ang kasong robbery na isasampa ng awtoridad sa fiscal’s office sa lungsod. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending