Hinampas ng malakas na hangin, stage gumuho: 15 sugatan

MANILA, Philippines – Labing-lima katao ang na­sugatan makaraang gumuho ang entabladong kahoy na kanilang pinag­papraktisan ng sayaw kahapon sa Pasay City.

Kaagad na isinugod sa San Juan De Dios Hospital ang mga sugatan na karamihan ay pa­wang mga kasapi ng Claraval School of Dance and Ballet, Teatro Ballet at Dance Theater Art sa Cavite makaraang ma­bag­sakan ng gumuhong mga kahoy dakong alas-9:30 ng umaga.

Pinauwi naman kaagad ang mga sugatan na karamihan ay nagtamo ng mga bukol sa ulo at pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan maliban sa apat na ballet dancer na pawang nag­tamo ng grabeng pinsala at kinakailangang maratay pa sa pagamutan.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Allan Valdez ng Station Investi­gation and Detective Manage­ment Section ng Pasay Police, nagsasanay umano ang mga biktima bilang paghahanda sa kanilang paglahok sa Regatta Festival sa entabladong nasa Music Hall sa likurang bahagi ng isang mall nang biglang gu­muho ang mga kahoy matapos hampasin ng malakas na hangin at ulan.

Dumagan at humampas umano ang mga kahoy na may sukat na 2x2 sa mga biktima na naging dahilan upang magtamo ng pinsala sa ulo at katawan ang karamihan sa mga kalahok na ballet dancer. (Lordeth Bonilla)

Show comments