MANILA, Philippines - Basag ang bungo ng isang 63-anyos na empleyado ng Tondo General Hospital matapos ma-hit and run ng isang 12-wheeler truck habang nagbibisikleta, kahapon ng umaga sa Tondo Maynila.
Nakilala ang nasawi na si Danilo Villanueva, maintenance ng Tondo General Hospital, residente ng 766 Maria Dizon st., Tondo.
Mabilis namang tumakas ang suspek na si Alberto Perez, driver ng truck (TAA-948) na pag-aari ng DCE Enterprise at residente ng Dagat-Dagatan, Navotas City. Iniwan nito ang minamanehong truck at sakay nitong pahinante na si Matt Dagani ng Balut, Tondo.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-7:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa panulukan ng H.Lopez at Infante sts., Balut, Tondo. Sinasabing papasok sa trabaho ang biktima at habang binabagtas ang nasabing kalye ay umiwas sa kaunting baha at sa pag-iwas ay nagkataong nahagip ng rumaragasang 12-wheeler truck.
Pumailalim ang biktima at nagulungan ito na ikinabasag umano ng bungo. Nakikipag-ugnayan ang pulisya sa employer ng suspek para sa ikadarakip nito at makasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide. (Ludy Bermudo)