Bus nagliyab sa SLEX
MANILA, Philippines - Sa kabila ng magdama gang pag-ulan, nagawa pa ring matupok ng apoy ang isang pampasaherong bus na kinalululanan ng 17-pasahero habang ito ay tumatakbo, kahapon ng umaga sa kahabaan ng South Luzon Expressway (SLEX) sa Taguig City.
Batay sa ulat, dakong alas-7:10 ng umaga nang biglang lumiyab ang makina ng BCB Transit bus na may plakang PYB-814 pagsapit nito sa Bicutan Exit patungong Alabang kung kaya’t ipinasya ng driver na si Allan Villadito na ihimpil ang sasakyan sa kalsada para agad na pababain ang mga pasahero nito.
Dahil dito, nataranta at nagkanya-kanya namang talunan ang mga pasahero pati na ang konduktor na si Bernie Cielos nang lumaki na nang husto ang apoy hanggang sa tuluyang matupok ang nasabing bus. Nagdulot naman ang naturang senaryo ng halos apat na oras ng sobrang pagsikip ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng SLEX.
Sa pagsisiyasat naman ni Roberto Gonzales, traffic investigator ng SLEX Highway Patrol Group, posibleng may dumikit na live wire sa makina ng sasakyan na naging dahilan ng mabilis na pagsiklab ng apoy at ikinatupok ng naturang sasakyan. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending