2 Koreanong kidnaper timbog
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga tauhan ng PNP- Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region ang dalawang Korean national na sangkot sa pagdukot at brutal na pagpatay sa kanilang kababayan noong Mayo 24 sa entrapment operations sa isang luxury restaurant sa Pasay City, Manila.
Kinilala ni PNP Chief Director Gen. Jesus Verzosa at ng iba pang mga opisyal ang mga suspect na sina Taeh KU Ha, alyas James Ha at Yong Hoon Lee, alyas Steve Lee.
Ang mga suspect ang itinuturong responsable sa pagdukot at pagpatay sa kasamahan ng mga itong Koreano na si Sang Kyung Chang.
Base sa imbestigasyon, ang mga suspect ay siyang sumundo sa biktima sa pagdating nito sa bansa noong Mayo 24 sa NAIA sa Parañaque City gamit ang isang kotseng Honda Civic at isa pang sasakyan.
Binanggit pa na puwersahang kinuha ng mga suspect sa biktima ang P50,000 at $ 8,000.
Samantalang habang daan ay pinagsasaksak rin sa dibdib si Chang ng Pinoy na kasabwat ng dalawang Koreano na tinukoy lamang sa pangalang Bobby.
Ang bangkay ni Chang ay itinapon ng mga suspect sa bayan ng Cainta , Rizal nitong nakalipas na linggo.
Ang pagkawala ni Chang ay inireport sa mga awtoridad ng kapatid nitong si San Tae Chang noong Mayo 29.
Sa kabila naman umano ng pagkakapatay sa biktima ay nagawa pang kumontak ng mga suspect sa pamilya Chang at humingi ng P 2 M ransom na naibaba sa P 1 M kung saan ay itinakda ang payoff sa isang di tinukoy na luxury Biwon Restaurant sa Pasay City, Manila kamakalawa na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspect.
Lumilitaw naman ayon kay Verzosa na ang mga suspect ay sangkot rin sa maraming kaso ng estafa/swindling sa Korea kung saan si Ha ayon na rin sa pamahalaan ng Korea ay itinuturing na top 6 wanted sa kanilang bansa.
Nabatid pa sa ulat na ang mga suspect ay madalas magbabad sa mga casino at ang target biktimahin ay mga kapwa nila Korean nationals lalo na ang mga negosyante.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad laban sa mga naarestong suspect upang matukoy at maaresto kung sinu-sino ang mga kasabwat ng mga ito sa sindikato. (Joy Cantos at Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending