MANILA, Philippines – Sinimulan na kamakalawa ng gabi ang 24/7 o magdamag na biyahe ng Metro Rail Transit (MRT3) na labis namang ikinatuwa ng mga commuters lalo na ng mga namamasukan sa iba’t ibang call centers sa Metro Manila.
Sinabi ni MRT3 General Manager Reynaldo Berroya, na matagumpay ang unang pag-arangkada ng 24/7 operation nila dahil umabot sa mahigit 4,000 ang mga pasaherong tumangkilik sa unang magdamag na biyahe nito.
Kabilang sa nakinabang sa humabang operasyon ng MRT ang mga empleyadong nagtatrabaho sa gabi sa Quezon City, Mandaluyong at Makati City na kinaroroonan din ng maraming call center.
Samantala, hindi pa puwede ang maghapon at magdamag na operasyon ng Light Rail Transit.
Ayon kay LRTA administrator Mel Robles, masyadong mababa ang bilang ng mga pasahero ng LRT sa hatinggabi kumpara sa mga tumatangkilik sa MRT bagama’t sa kabila nito ay pag-aaralan din umano ng kaniyang tanggapan ang naturang posibilidad. (Rose Tamayo-Tesoro, Danilo Garcia at Angie dela Cruz)