MANILA, Philippines – Isang overseas Filipino worker na kauuwi lang ng Pilipinas mula sa Dubai ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili matapos makipagtalo sa kanyang asawa dahil sa text messages sa Barangay Sta. Lucia, Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Si Hapinino Santiago, 29, ay natagpuang walang buhay ng kanyang asawang si Bernadette habang nakabitin sa loob ng comfort room ng kanilang bahay sa Natividad Subdivision, Brgy. Sta. Lucia.
Nabatid na si Hapinino ay dumating sa bansa noong Mayo 29.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Greg Maramag ng Quezon City Police District, posibleng selos at hindi pagkakaunawaan nito sa kanyang asawa ang nagtulak upang tapusin ng biktima ang kanyang buhay.
Base sa pahayag n Bernadette sa pulisya, bago ang insidente, nagtalo silang mag-asawa kaugnay sa text messages na natanggap ng ginang.
“May natatanggap daw na text message iyong babae galing sa asawa niya pero ang hinala ng babae ay hindi para sa kanya iyong mensahe kundi para sa ibang tao at posibleng na-wrong send lang daw iyong biktima,” sabi ni Maramag.
Dala ng hinala, nagpasyang umalis ang ginang noong umaga ng linggo sa kanilang bahay at iniwan ang asawa na mag-isa. Ngunit pagsapit ng gabi ay bumalik din ang ginang na hindi na naayos ang pagkakaunawaan nilang dalawa na siyang hinihinalang ugat upang gawin ng biktima ang nasabing aksyon. (Ricky Tulipat)