MANILA, Philippines – Dalawang babae ang naaresto ng mga awtoridad matapos maaktuhan ang mga ito na nagtatapon ng isang fetus ng lalaki sa gilid ng isang simbahan sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Kinilala ang mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa Integrated Jail ng Manila Police District na sina Lourdes Felipe, 26-anyos, ng 125 Sangandaan, Caloocan City; at Theresita Rasadaz, 38, vendor, ng Fugoso St., Rizal Avenue Sta. Cruz Manila.
Lumalabas sa imbestigasyon ni Det.Edgardo Kho ng Manila Police-District-Homicide Section na dakong alas-3:45 ng hapon nang maaresto ang mga suspek sa tapat ng Sto. Niño Parish Church matapos na itapon ang isang lalaking fetus na nakalagay sa plastic at tinatayang nasa anim na buwan.
Ayon sa pulisya, inutusan umano ni Rasadaz si Felipe na itapon ang naturang fetus subalit nakita ng isang nagngangalang “Tess” ang dalawa na siyang nagtapon nito kaya kaagad itong nagsumbong sa mga opisyal ng barangay na siya namang nagsumbong sa pulisya. Kinasuhan ng intentional abortion ang dalawa sa Manila Prosecutor’s Office. (Gemma Amargo-Garcia)