3 tauhan ng towing firm binoga ng ex-Army, 1 patay
MANILA, Philippines – Isang tauhan ng towing company ang nasawi habang dalawa niyang kasamahan ang nasugatan nang pagbabarilin sila ng isang retiradong kapitan ng Philippine Army na nagalit nang hatakin nila ang sasakyan nito kamakalawa ng gabi sa Taguig City.
Patay na nang maipasok sa Ospital ng Makati ang biktimang si Jovie Bardon Canete, 30, ng Barangay Bangkal, Makati City sanhi ng ilang tama ng bala sa katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Nilalapatan naman ng lunas sa nabanggit na pagamutan ang dalawa pang biktima na sina John Rick Marbol at Allan Paredes, kapwa nasa hustong gulang, na nagtamo rin ang mga ito ng tama ng bala sa katawan.
Nadakip at ikinulong sa Taguig City Police ang suspek na si Mario Endozo Serrano, 57, ng Phase 4, APOVAI, Barangay South Side, Makati City. Nahaharap siya sa kasong homicide at double frustrated homicide.
Nauna rito, nakaparada bandang alas-9 ng gabi sa panulukan ng Bayani St. at C5 Road ang multicab ni Serrano sa Taguig.
Bawal pumarada sa naturang lugar kaya pinuntahan ito ng mga biktima na may dalang towing truck upang hatakin ang sasakyan ng suspek.
Subalit, ayon kay Dante Laurel, kasamahan ng mga biktima, hinintay muna nila si Serrano upang ipabatid dito na nakaparada sa bawal na lugar ang kanyang behikulo.
Subalit nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang magkabilang panig hanggang sa binunot ang baril ng suspek at pinaputukan ang mga biktima.
- Latest
- Trending