MANILA, Philippines – Gumuho ang halos kalahati ng kalsada ng Meisic St. malapit sa Manila Police District-Station 11 bunsod ng paghuhukay ng konstruksiyon ng isang 40-storey condominium, sa Binondo, Maynila. Ayon kay Supt. Nelson Yabut, hepe ng MPD-Station 11, dakong alas- 9:30 ng umaga nang gumuho ang kalsada sa tapat ng ginagawang City Place condominium malapit sa harapan ng 168 Mall at MPD Station 11 sa Meisic St., Binondo. Aniya, dakong alas-5:30 pa lamang ng umaga nang mapansin nilang nagsisimulang gumuho ang maliit na bahagi nito kaya agarang ipinaalis ang mga nakaparadang sasakyan at pag-cordon sa area upang hindi na daanan pa ng mga tao patungo sa kalapit na mall. Ayon pa kay Yabut, ipapatawag nila ang pamunuan ng Mega World Company na siyang contractor ng City Palace condominium upang alamin kung may pananagutan ito sa pagguho ng kalsada. Ayon pa kay Yabut, imomonitor din nila ang kalapit na eskuwelahan na Cheong Se Chinese School dahil sa nalalapit na pagbubukas ng klase, sa posibilidad na maapektuhan ito. (Ludy Bermudo)