Oil depot mananatili sa Pandacan
MANILA, Philippines – Nilagdaan na kahapon ni Manila Mayor Alfredo Lim ang Ordinance No. 7177 na nagpapahintulot sa pananatili ng oil depot at iba pang kompanya sa Pandacan at Sta. Ana, Maynila.
Saksi ang mga residente ng District 6 at mga sumusuporta sa oil depot, tuluyan nang kinatigan ni Lim ang ordinansang ipinasa ng city council sa pangunguna ni Vice Mayor Isko Moreno na magbibigay ng tulong sa may mahigit sa 10,000 Manilenyo na posibleng mawawalan ng hanapbuhay.
Maliban kasi aniya sa oil depot, marami ding negosyo ang aalis sa Maynila kung ibi-veto niya ang naturang ordinansa at magmimistula na lamang “ghost town” ang lungsod.
Sa isang talumpati na isinagawa ng alkalde sa harapan ng daan-daang residente ng Maynila, nagpahayag din ng paniniwala ang alkalde na kahit pa nilagdaan niya ang ordinansa ay hindi ito nangangahulugan na kinokontra o binabalewala niya ang naunang desisyon ng Korte Suprema na ipinalabas noong Marso 7, 2007, na nag-uutos na alisin na ang oil depot sa Maynila.
Aniya, nagbigay naman umano kasi ang Korte Suprema ng remedyo sa sarili nitong desisyon, matapos na sabihin na maaaring i-repeal o amyendahan ng Manila City Council ang Ordinance 8027.
Sinabi din nito na bago pa man siya nagdesisyon sa naturang isyu ay nakipag-usap at sumangguni muna siya sa mga negosyante at mga residente, na nagkaisa na payagan ang pananatili ng oil depot sa Maynila.
Samantala, iisa ang pananaw nina 3rd Councilor Joel Chua at Manuel Zarcal sa pagsasabing moro-moro ang pag-aaral sa ordinansa dahil isang bahagi lamang ang tiningnan.
Hindi umano tinimbang ang seguridad na maaaring idulot nito sa mga residente partikular sa Pandacan at Sta. Ana.
Sa katunayan umano, inaasahan na nila ang pagpirma ni Lim sa ordinansa dahil nag-iba na ang tono ng pananalita ni Lim matapos na ipasa sa konseho ang ordinansa.
Idudulog pa rin nila ito sa korte upang kuwestiyunin ang validity ng ordinansa.
- Latest
- Trending