Sanggol, 6 pa sugatan sa demolisyon sa Taguig
MANILA, Philippines - Pito katao ang malubhang nasugatan kabilang ang isang sanggol nang muling sumiklab ang tensiyon at karahasan matapos ang panibagong pagsalakay ng demolition team ng Philippine Army sa Sitio Masagana, kahapon ng umaga sa Bicutan, Taguig City.
Ilan sa mga nasugatan ay kinilalang sina Danilo Basog, isang sanggol at ang bago nitong panganak na ina na kaanak ng una at dalawang anak na babae ni Danilo.
Batay sa nakalap na impormasyon, dakong alas-8 ng umaga nang muling sumalakay ang Task Force Bantay ng Philippine Army upang muling gibain ang kabahayan sa naturang lugar.
Nabatid na dalawang tauhan ng Task Force Bantay ang sinasabing unang nagpaputok ng M-16 rifle upang itaboy ang mga residenteng naninirahan sa naturang lugar.
Dahil dito pumalag si Basog dahilan upang masaktan ito na nag-ugat naman para umalma din ang mga kaanak nito dahilan upang ang mga huli ay masugatan din at madamay pa ang isang kapapanganak lamang na sanggol.
Ayon pa sa mga residente, mismong si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang nagpatigil para gibain ang kanilang tahanan isang linggo na ang nakalilipas pero nagpupumilit pa rin ang mga sundalo para gibain ang kanilang mga bahay.
Nitong nakaraang linggo, muling nagsagawa rin ng demolition ang Task Force Bantay sa Sitio Masigasig pero mahigpit na ipinatigil ito ni Pangulong Arroyo sa pakiusap ni Taguig Representative Henry Duenas.
Narekober naman sa lugar ang mga basyo ng M-16 mula sa baril na ginamit ng sundalo sa pagpapaputok, habang ang ilan sa mga basyo ay agad na kinuha ng mga sundalo upang ikubli umano ang ginawang karahasan ng mga ito.
Ayon pa sa mga residente, patago ang ginagawang pagde-demolish sa kanilang lugar ng mga sundalo upang makaiwas sa mata ng media na nakasaksi habang marahas na ginigiba ang kabahayan sa Sitio Masigasig. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending