Bahay nabagsakan ng cargo truck
MANILA, Philippines - Isa ang nasugatan makaraang bumagsak sa kanyang tinitirhang barung-barong ang isang cargo truck na nawalan ng kontrol makaraang umano’y makatulog ang driver nito kahapon ng madaling-araw sa Muntinlupa City.
Wasak na wasak ang bahay ng biktimang si Mamon Villanueva subalit himala naman siyang nakaligtas sa tiyak na kamatayan, pati na ang driver ng trailer truck na may hila pang 20-footer container van na si Nemencio Celestino ng Tandang Sora, Quezon City.
Ayon sa ulat, mabilis na tinatahak ng trailer truck (PUA-484) ang kahabaan ng South Luzon Expressway patungong Manila nang biglang mawalan ng kontrol pagsapit sa Susana Heights, Putatan, Muntinlupa at tuluy-tuloy na nahulog sa may 20-talampakang gilid ng highway dakong alas-12:30 ng madaling-araw. Nabatid na mahimbing na natutulog si Villanueva sa loob ng kanyang barung-barong nang bigla nang bumagsak mismo dito ang truck. Ikinatuwiran naman ni Celestino sa mga tauhan ng PNCC na aksidente niyang nabangga ang isang pampasaherong bus na lalagpasan sana niya kaya’t nawalan siya ng kontrol sa manibela hanggang mahulog sa gilid ng kalsada.
Subalit duda naman ang mga tauhan ng PNCC sa naging katuwiran ni Celestino dahil wala namang iba pang uri ng sasakyan sa naturang lugar kaya’t may hinala silang nakatulog ang driver sa pagmamaneho lalo na’t wala naman siyang kapalit o kasamang driver. Kasalukuyan nakapiit sa Muntinlupa Traffic Bureau si Celestino at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending