MANILA, Philippines - Isang dating hepe ng pulisya sa Dagupan City ang inaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa umano’y pagbibigay proteksyon sa isang drug den sa La Union.
Sa ipinarating na ulat ng PDEA Ilocos Region office sa tanggapan ni PDEA Director General Dionisio Santiago ang suspek ay nakilalang si Superintendent Dionicio Borromeo, na ngayon ay nakaditine sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, sa lungsod Quezon.
Dinakip si Borromeo sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Mary R. Molina ng Regional Trial Court Branch 33 sa Bauang, La Union, na may petsang May 22 kung saan walang nakalaang piyansa.
Si Borromeo, graduate ng Philippine Military Academy class 1989 ay isinangkot bilang protektor ng isang drug laboratory sa Naguilian, La Union matapos ang ginawang pagsalakay ng tropa noong nakaraang taon, ayon sa PDEA.
Kasama rin ni Borromeo na isinasangkot ang anim pang pulis dahilan ng kanilang pagkakasuspinde sa serbisyo.
Ayon sa ulat, tinatayang aabot sa P27 milyong raw chemicals at equipment ang narekober sa raid kung saan sapat para makapag-produce ng trillions halaga ng shabu.
Samantala, ang financer ng drug laboratory, na nakilalang si Joselito Artuz, kilala rin bilang “George Cordero”, ay patuloy na tinutugis ng pamunuan ng PDEA.