Arsonista nanunog ng 80 bahay, timbog

MANILA, Philippines – Nalaglag sa Pasig City police ang isang 40-anyos na lalaki matapos na maaresto kahapon ng umaga kung saan itinuturo itong nanunog ng tinitirhan niyang bahay at nadamay ang may 80 pang kaba­hayan, nitong naka­raang linggo sa naturang lungsod.

Sinampahan na ng kasong arson ng pulisya ang suspek na si Roderick Rendal, na pansaman­talang nani­­nirahan sa Napico, Brgy. Manggahan, Pasig. Walang piyansang inirekomenda ang korte para sa pansa­mantalang kalayaan nito dahil sa kinakaharap na “heinous crime”.

Sa ulat ng pulisya, ina­resto si Rendal sa tinu­tuluyan nitong bahay   ma­tapos na ituro ng ilang kapitbahay na siyang sanhi ng sunog na naganap nitong nakalipas na Linggo kung saan higit sa 150 pamilya ang nawalan ng tirahan sa may Tramo, Brgy. Rosario.

Matatandaang naga­nap ang sunog dakong alas-12:30 ng hapon sa bahay mismo ng pamilya Rendal. Dalawa ang nasu­gatan sa naganap na sunog.

Nabatid na bago ang sunog, naikuwento ni Rendal sa ilang kapitbahay ang plano niyang pag­sunog sa bahay ng kan­yang ama na tinitirhan rin ng kanyang pamilya dahil sa pinapalayas na siya. Bago isakatuparan ang plano, unang pinaalis na ni Rendal ang pamilya dala ang kanilang mga gamit kung saan nagpaiwan ito at sinunog ang bahay nang sindihan ang dalang gaas, pintura, barnis at isang sakong damit.

Lumilitaw din na muntik na rin umanong masunog nang buhay ang ama ng suspek na noon ay natu­tulog sa kaniyang kuwarto subalit masuwerteng nagi­sing ito matapos maka­randam ng sobrang init. (Danilo Garcia)


Show comments