Pekeng cosmetic surgeon, timbog ng NBI
MANILA, Philippines – Tiklo sa isang entrapment operation ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang nagpapanggap na cosmetic surgeon makaraang ireklamo sa paglalagay ng hindi akmang kemikal para sa breast augmentation, na nagiging sanhi umano ng kanser, sa Quezon City, sa ulat kahapon.
Nabatid na noong kamakalawa (Lunes) ang isinagawang pag-aresto sa suspek na kinilalang si Ma. Antonieta Della, ng Cameron St., Project 4, Quezon City.
Ayon sa ulat nakapiit na ang suspek na sinampahan ng kasong paglabag sa RA 2382 o Medical Act of 1959; estafa o Article 315 at Article 22 o physical injuries sa ilalim ng Revised Penal Code (RPC).
Nabatid na naghain ng reklamo sa NBI ang mga nabiktima nito na isang Arlene Aquino; isang Jessie Naritong at isa pang Jen nylyn Tan kaugnay sa pambibiktima sa kanila ni Della.
Binanggit pa sa ulat na parang nagbebenta lamang ng ordinaryong paninda ang ginagawang pag-aalok sa kalye ni Della ng ‘home service’ sa breast augmentation sa napakamurang halaga kaya marami umanong kumakagat sa presyong mula P7-libo hanggang P10-libo, sa kabila ng hindi naman ito lisensiyadong doktor.
Dahil sa pagtitiwala, hindi umano alam ng mga kliyente na ang silicon oil sa halip na si silicone gel ang ini-implant ni Della sa mga ito ay nakakasama sa katawan.
Nabatid na isang linggo, matapos isagawa ang breast augmentation kay Aquino, nakaramdam uma no ito ng pagsakit ng suso at nilagnat kaya ipinasuri sa professional na manggagamot na nagpayong dapat agarin ang pag-aalis ng silicone oil na isinaksak sa kaniyang dibdib o suso. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending