MANILA, Philippines – Matapos bunuin ang 30 araw na pagkakasuspinde, balik-trabaho na kahapon ang mga miyembro ng Quezon City Police na sinuspinde dahil sa kaso ng umanoy maling pagtrato sa mga inaarestong kaanak ni ABS-CBN broadcaster Ted Failon ka ugnay sa kaso ng pagkamatay ng asawa nito na si Trina Etong.
Kabilang sa nakabalik sa kanilang tungkulin si Senior Superintendent Franklin Mabanag.
Hindi naman nagbigay ng komento ang nasabing tropa bagkus ay nakangiti lamang ito nang tanungin ukol sa muli nilang pagbabalik sa nasabing kagawaran.
Subalit, ayon sa ulat, posibleng harapin pa rin ng nasabing kapulisan ang kasong criminal mula sa kampo ni Failon kaugnay sa insidente.
Maaalalang, pinatawan ng 30 araw na suspension noong nakaraang buwan ang nasabing tropa dahil sa marahas na pag-aresto sa kaanak ng nasabing broadcaster sa kasagsagan ng kaso ng pagkamatay ni Trinidad.
Ang insidente ay nangyari sa New Era Hospital kung saan itinakbo si Trina makaraang matagpuan itong duguan sa comfort room ng kanilang tahanan sa # 27, General Aquino Street, Tierra Pura subdivision sa Quezon City.
Kamakailan lang ay ipinahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na suicide ang pagkamatay ni Trinidad at wala umanong foul play na naganap dito. (Ricky Tulipat at Rose Tamayo-Tesoro)