Barilan sa piyesta: 3 patay
MANILA, Philippines – Nauwi sa trahedya ang isang masayang piyesta makaraang tatlo katao ang nasawi nang tamaan ng ligaw na bala mula sa dalawang kalalakihang nagbarilan sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Chief Insp. Cresencio Galvez, hepe ng Intelligence Division, Caloocan City Police, ang mga nasawing biktima na sina Laura Ilagan, 49, ng Tuna St.; Cresente Serna Jr., 20, ng Salmon St., kapwa ng Dagat-Dagatan ng lungsod na ito at Genesis Al Elcano, 31, ng Dangay St., Veterans Village, Project 7, Quezon City.
Ang suspek namang si Denis Edosma, 24, ay agad na sumuko sa pulisya, samantalang ang nakabarilan naman nito na si Emmanuel Mendoza, 46, ay ginagamot sa Orthopedic Hospital.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Albert Juanillo, naganap ang insidente dakong alas- 10:00 ng gabi sa kahabaan ng Tuna St., Dagat-Dagatan.
Nabatid na nakikipag-inuman si Edosma sa isang grupo ng kalalakihan, dahil sa piyesta sa nabanggit na lugar nang dumating si Mendoza.
Walang sabi-sabing binaril ni Mendoza si Edosma, ngunit hindi ito tinamaan hanggang sa gumanti ito ng putok, dahilan upang magbarilan ang dalawa.
Nang humupa ang putukan ay nakita na lamang na nakahandusay ang mga biktima na nadamay sa pagbabarilan ng dalawa.
Dead-on-arrival sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng tama ng bala sa ulo at katawan sina Elcano at Serna habang namatay naman sanhi ng tama ng bala sa katawan sa Mary Jhonston Hospital si Ilagan.
Sumuko naman sa mga pulis si Edosma at sinabing wala siyang kasalanan sa mga nasawi kung saan inaalam pa ng pulisya ang pinag-ugatan ng ginawang pagbabarilan ng dalawa.
- Latest
- Trending