MANILA, Philippines - Isang misis ang nalinlang at nanakawan ng dalawang babaeng nagpanggap na social wor ker at secretary umano ni Vice President Noli “Kabayan” de Castro sa loob ng National Kidney Institute sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Caroline Tuliao, 24, ng San Agustin, Malolos Bulacan, na ang pas yente sa nasabing ospital ay ang pinsan niyang si Antonio Tuliao.
Sinabi ni Tuliao na nilapitan siya ng mga suspek na nagpakilalang social service personnel at kalihim ni de Castro at nag-alok sa kanya ng tulong sa pambayad sa ospital.
Dahil pawang magaling magsalita at sa pag-aakalang sinsero ang pakay ng dalawa ay napapaniwala naman ang biktima lalo na nang samahan siya ng mga ito sa billing station para tanungin ang babayaran ng kanyang pinsang na-confine dito na aabot sa P85,000.
Sa naturang halaga ay nakumbinsi ang ginang na matutulungan siya ng mga suspek hanggang sa pagsapit sa kuwarto ng pasyente ay saka sinimulan ang kanilang modus.
Dito ay hiningi ng mga suspek ang P5,000 dala ni Tuliao para sila na umano ang magkumpleto ng hospital bill ng biktima. Maging ang passport ng biktima ay hiningi ng mga suspek para patunay na nanghihingi sila ng tulong at maipakita sa Bise Presidente.
Makaraang maiabot ang salapi at passport ay agad na nagpaalam ang mga suspek ngunit makalipas ang ilang oras ay hindi na ito muling nagbalik. (Ricky Tulipat)