MANILA, Philippines - Sumiklab ang maikling tensiyon sa Minor Basilica ng Black Nazarene sa Quiapo church nang magdaos ng sorpresang kilos-protesta ang may 80 katao na kinabibilangan ng Hijos de Nazareno at ilang debotong residente laban sa pamunuan ng nasabing simbahan na itinaon sa pastoral visit ni Manila Archbishop Gaudencio Rosales, kahapon ng umaga.
Naging mainit ang mga nagra-rally sa panig ng Hijos de Nazareno, mga kalalakihang humihila sa lubid at nagsasaayos ng prusisyon, nang sila ay sibakin ni Msgr. Jose Clemente Ignacio, Rector at Parish Priest ng Quiapo church.
Iginiit ng Pangulo ng Hijos na si Tony Saavedra, na hindi makatarungan na sila ay sibakin dahil ilang dekada na silang nangangasiwa sa paghila ng Nazareno at ngayo’y sisibakin dahil sa kanila isinisisi ni Fr. Ignacio at ba pang kaparian ang kapalpakan sa naganap na kapistahan noong Enero 9, 2009.
Hindi man umano nasunod ang itinakdang ruta ng prusisyon, wala umano silang kasalanan kundi ang mga tao na rin ang may kagagawan na naglihis sa ruta upang isunod sa tradisyunal na ruta ang nasabing prusisyon ng Black Nazarene.
Iginiit naman ng pamunuan ng Quiapo church na ginagawa lamang ang pagbabago sa kaayusan ng pamamalakad ng simbahan at sa mga pagdiriwang upang maiwasan ang kaguluhan at mapunta ang daloy ng abuloy sa kinauukulan.
Naniniwala sila na ikinatutuwa na ng mga residente at deboto ang pamamalakad ng kanilang pamunuan sa kasalukuyan na sinasamantala umano ng ilang indibidwal partikular sa mga koleksiyon na walang kinalaman ang simbahan.
Nanawagan din ang Quiapo church administration sa mga deboto at residente na ipagdasal na lamang ang pagkakasundo at kaayusan sa simbahan. (Ludy Bermudo)