MANILA, Philippines – Isang bagong laya na binata ang binaril at napatay ng dalawang kalaban niyang gang habang ang una ay natutulog sa isang kahoy na bangko, sa labas ng kanilang bahay sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Jonathan Torres, alyas “Tango”, ng Int. Pearl corner Osmeña at M. Dela Fuente Sts. Tondo Maynila.
Sa ulat ni Det. Benito Cabatbat ng Manila Police District-Homicide Section dakong alas-4:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Osmeña at M. Dela Fuente Sts, Tondo.
Pinaghahanap naman ang dalawang di nakilalang suspek na kapwa armado ng sumpak at revolver.
Nabatid na habang mahimbing ang pagkakatulog ng biktima ay biglang sumulpot ang dalawang suspek at binaril ito sa ulo. Tuma kas umano ang mga suspek matapos ang pamamaril.
Hinala ng imbestigador, paghihigante ng kalabang gang ang motibo sa pagpatay sa biktima matapos matumba umano ang kanilang ka-miyembro.
Nabatid din na kalalaya pa lamang mula sa Manila City jail ng biktima, na nakulong sa loob ng anim na buwan sa hindi binanggit na kaso. (Ludy Bermudo)