3 Tsinoy trader nilooban na, binugbog pa
MANILA, Philippines – Sugatan ang tatlong negosyanteng Tsinoy, habang humigit-kumulang naman sa P.3 milyong halaga ng RTWs ang natangay sa mga ito makaraang pasukin ng apat na armadong holdaper ang kanilang bodega at bugbugin pa ang mga una, kahapon ng umaga sa Pasay City. Tatlo sa apat na biktima na kinilalang sina David Go, 38; Hong Qing Jiang, 55; at Jasper Go, 20, pawang residente ng Seafront Homes, Apelo Cruz Ext., Pasay ay pawang nilapatan ng lunas sa Pasay City General Hospital bunga ng mga sugat, pasa at bukol sa kanilang katawan.
Batay sa ulat, dakong alas-10:15 ng umaga nang mangyari ang naturang insidente habang abala ang mga biktima sa pag-aayos ng panindang RTW sa Aid Matic Compound, Apelo Cruz Ext., Pasay City. Apat na lalaki umano kasama ang kanilang helper na kinilala sa pangalang Sonny Boy Armoguella, ang unang pumasok sa bodega at hinakot ang mga RTW ng mga biktima.
Habang nasa aktong inilalabas sa bodega ang mga paninda, nahuli naman ng mga biktima ang mga suspect na agad nilang tinangkang harangin. Dahil nabuko ang ginagawang pagnanakaw, agad na pinagbubugbog ng mga suspect ang mga biktima saka nagsitakas tangay ang mga ninakaw na RTWs. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending