Kaso vs Hayden isinampa ni Katrina
MANILA, Philippines - Pormal ng nagharap ng reklamo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kontrobersiyal na aktres na si Katrina Halili laban kay Dr. Hayden Kho kaugnay nang pinagpiyestahang sex video sa internet at maging sa pirated DVDs.
Bilang pasimula ng imbestigasyon isasalang muna sa psychological at psychiatric test ang aktres. Dakong alas-2 kahapon nang magtungo si Halili at kasama si Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. at dalawang abugado sa tanggapan ni NBI Director lawyer Nestor Mantaring at doon idinulog ang reklamo laban sa doktor.
Sinabi ni Mantaring na ipatatawag nila si Kho, na kasalukuyang nasa Estados Unidos umano kasama si Dr. Vicki Belo. Nagkaroon ng halos isang oras na closed-door meeting upang iwasan muna ang media bagamat si Mantaring na ang nagsabi na kukuhanan pa nila ng affidavit si Halili at wala pa itong naibibigay na detalye sa kanila.
“Katrina Halili, together with Senator Bong Revilla, arrived here to file a complaint against Dr. Hayden Kho. She did not give details. And we will take her statement,” ani Mantaring.
Nagkaroon din kahapon ng inisyal na interview si Halili kay Dr. Cynthia Alcuaz ng NBI Neuro-Psychiatric System.
Nilinaw ni Mantaring na ang tutukuyin nila sa imbestigasyon kung ano ang probisyon sa RA 9262 o violation against women and children ang nalabag ni Kho sa paglalabas ng sex video at ang computer crimes o pananagutan sa pag-upload ng malaswang eksena sa internet.
Hahawak umano ng imbestigasyon ang Anti-Fraud and Computer Crimes Division (AFCCD) at Violence Against Women and Children Division (VAWCD) sa kaso ni Halili at dalawa pa umanong magagandang babae na nagkaroon din ng sex video si Kho.
“The sex videos of Halili and other pretty women, a Brazilian and commercial model, circulate in the You Tube so we will try to retrieve evidence. Tingnan natin kung malalaman natin who is/are behind posting of the video and when it was first posted in the You Tube and anything that could help in our investigation,” ani Mantaring.
Hindi pa umano nila masasabi ang specific na kasong ihaharap kay Kho sa ngayon at ipauubaya nila ito kay AFCCD chief, Atty. Vicente de Guzman III.
Sa panig ni Halili, sinabi niya na nais niyang mabigyan ng leksiyon si Kho upang hindi na magawa pa sa ibang babae.
“Gusto ko nang lumaban kasi ayoko maulit ang mga ganitong pangyayari sobrang pambababoy ang ginawa sa amin ni Hayden Kho. Ayoko nang maulit ito sa ibang babae,” habang lumuluha na nagpapahayag.
“Hinaharap ko itong kahihiyan na ito para lang matapos na kasi ako mismo sa sarili ko ayaw ko na maulit sa akin to kasi kahit anong ingat, kung mga lalaki intensyon nila na gawin yon. Gusto ko lang matuto yung ibang tao, gusto ko na harapin ito, kahit ako na yung nakakahiya,” she said.
“Basta sa ngayon gusto ko matuto lahat ng tao, mga babae wag magtiwala kung kani-kanino. Hindi ako uurong, mga nagkalat, napakawalanghiya niya, hindi ko sila uurungan, gusto ko magkaroon ng takot yung mga taong gumawa nito ulit,” dagdag pa ni Halili.
Samantala, nanawagan naman si Revilla na lumantad na rin ang iba pang nais magharap ng reklamong katulad nito laban kay Kho, kung mayroon man.
Ayon kay Justice Secretary Raul Gonzalez, malamang makulong si Kho nang anim na buwan kapag napatunayang nagkasala ito at sinadya nitong ipakalat ang sex video. (Dagdag ulat nina Gemma Amargo Garcia, Malou Escudero at Butch Quejada)
- Latest
- Trending