MANILA, Philippines – Isang ‘askal’ o asong kalye ang naging sanhi ng kamatayan ng dalawang lalaki makaraang mabangga ito ng kanilang sinasakyang motorsiklo sanhi ng kanilang pagsemplang, kamakalawa ng umaga sa Marikina City.
Nakilala ang mga nasawi na sina Angelito Serrano Llamido, 37; at Joseph Reyes Aranas, 23, kapwa residente ng Buntong Palay 2, Brgy. Silangan, San Mateo, Rizal.
Sa ulat ng Marikina Traffic Sector Unit, dakong alas-6 ng umaga kamakalawa nang maganap ang aksidente sa panulukan ng Doña Aurora St. at G. del Pilar St. sa Brgy. Parang.
Nabatid na sakay ang mga biktima ng isang motorsiklo (NI-3516) nang mabundol ang naturang aso sanhi upang sumemplang ang mga ito at sumadsad sa konkretong kalsada.
Nagtamo ng matitinding pinsala sa katawan at ulo ang mga biktima na mabilis na isinugod ng mga awtoridad sa pagamutan kung saan hindi na naisalba pa ng mga manggagamot. Hinihinala naman ng mga awtoridad na maaaring matulin ang patakbo sa motorsiklo kaya naging napakatindi ng pinsalang natamo ng mga ito. Katunayan rin nito, nabatid na namatay rin umano ang asong nabundol ng motor.
Samantala, namatay din ang isang empleyado, habang kritikal naman ang angkas nitong babae makaraang mabangga at magulungan pa ng rumaragasang armoured van ng isang banko ang una habang lulan ng kanyang minamanehong motorsiklo sa Makati City.
Nakilala ang nasawi na si Wilfredo Enriquez, sugatan naman ang angkas nitong si Susan Villanueva, 26.
Naganap ang insidente, dakong alas-8:55 ng umaga sa panulukan ng Kamagong at Chino Roces Avenue, Brgy. San Antonio, Makati City.
Nabatid na kapwa mabilis na umarangkada ang motorsiklo ng biktima (ZN-125) at armoured van (PSM-634) na minamaneho naman ni Armando Magada, 38, matapos mag-go ang traffic signal light sa naturang lugar.
Sa bilis ng arangkada ng dalawang sasakyan, nahagip ng armoured van ang kaliwang bahagi ng motorsiklo na naging dahilan upang una ulong tumilapon ang mga sakay nito na ikinasawi nga ni Enriquez. (Dagdag ulat ni Rose Tamayo-Tesoro)