Fastfood employee ginahasa ng 4 na lalaki

MANILA, Philippines – Apat na lalaki na kina­bi­bilangan ng tatlong ta­uhan ng isang kilalang fastfood chain ang inaresto kahapon ng umaga ng pu­lisya dahil sa pangga­ga­hasa sa isa ring 19-anyos na empleyada rin ng natu­rang kainan sa Brgy. Culiat, Quezon City. 

Kinilala ni Quezon City Police District-Station 10 Chief Supt. Ferdinand Ampil ang mga suspek na sina Jeffrick Esusan, 22; Marjun Reig, 21; at Jay-Vee Soriano, 20, na pa­wang service crew ng isang sangay ng fastfood sa Scout Borromeo, Scout Triangle sa naturang lung­sod; at isang Angel Do­mingo, 21, residente sa Culiat.

Dinakip sila dahil sa reklamo ng biktimang iti­nago sa alyas na Bebe na halinhinan umano nilang ginahasa.

Sinabi ni Bebe na, noong Mayo 16, niyaya siya ng mga suspek sa isang inuman sa bahay ni Soriano sa 164 Metro Heights Compound sa Culiat bilang bahagi ng pagdiriwang sa pagkapa­nalo ng kanilang sangay ng gold prize sa isang tim­palak.

Napapayag naman si Bebe ngunit makalipas ang ilang oras na inuman at ma­lasing ay saka sinimu­lan ng mga suspek ang pang-aabuso sa kanya.

Sinasabing dahil sa ka­lasingan ay walang na­gawa ang biktima kung kaya naisakatuparan ng mga suspek ang nasabing insidente.

Pinabulaanan naman ng mga suspek ang aku­sasyon sa kanila. (Ricky Tulipat)


Show comments