Fastfood employee ginahasa ng 4 na lalaki
MANILA, Philippines – Apat na lalaki na kinabibilangan ng tatlong tauhan ng isang kilalang fastfood chain ang inaresto kahapon ng umaga ng pulisya dahil sa panggagahasa sa isa ring 19-anyos na empleyada rin ng naturang kainan sa Brgy. Culiat, Quezon City.
Kinilala ni Quezon City Police District-Station 10 Chief Supt. Ferdinand Ampil ang mga suspek na sina Jeffrick Esusan, 22; Marjun Reig, 21; at Jay-Vee Soriano, 20, na pawang service crew ng isang sangay ng fastfood sa Scout Borromeo, Scout Triangle sa naturang lungsod; at isang Angel Domingo, 21, residente sa Culiat.
Dinakip sila dahil sa reklamo ng biktimang itinago sa alyas na Bebe na halinhinan umano nilang ginahasa.
Sinabi ni Bebe na, noong Mayo 16, niyaya siya ng mga suspek sa isang inuman sa bahay ni Soriano sa 164 Metro Heights Compound sa Culiat bilang bahagi ng pagdiriwang sa pagkapanalo ng kanilang sangay ng gold prize sa isang timpalak.
Napapayag naman si Bebe ngunit makalipas ang ilang oras na inuman at malasing ay saka sinimulan ng mga suspek ang pang-aabuso sa kanya.
Sinasabing dahil sa kalasingan ay walang nagawa ang biktima kung kaya naisakatuparan ng mga suspek ang nasabing insidente.
Pinabulaanan naman ng mga suspek ang akusasyon sa kanila. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending