Mag-ina lumaban sa holdaper, pinagbabaril

MANILA, Philippines - Kapwa nasa malub­hang kalagayan ang isang mag-ina na pinag­ba­baril ng mga holdaper nang manlaban sila rito kama­kalawa ng gabi sa Hulong Duhat, Malabon City.

Inoobserbahan pa sa Manila Central University Hospital sina Ofelia Bau­tista, 54; at anak na si Bernadette Madrid, 33, kapwa naninirahan sa Don Basilio Boulevard, Hulong Duhat.

Papasok pa lang sa kanilang bahay ang mag-ina nang lapitan at tutu­kan sila ng baril ng mga suspek. Sapilitang kinuha ng mga suspek ang mga pera ng mga biktima na nagkakahalaga ng P35,000 at dalawang cellphone ngunit tinangka ng mag-ina na manlaban kaya agad na pinagbabaril ang mga ito ng mga holdaper.

Matapos ito, mabilis na nagsitakas ang mga suspek sa hindi natukoy na direksiyon.

 Samantala, bugbug-sarado naman buhat sa kamay ng taumbayan ang inabot ng holdaper na si Nemesio Tabanao, 35, ng M. Naval St., Na­votas City makara­ang holdapin ang 23-anyos na si Marilyn Lopez ka­ma­kalawa ng gabi sa may Vicencio street, Ma­labon City.

Nabatid na tinangay ng suspek ang cellphone ng biktima ngunit isang tricycle driver ang naka­kita dito at nagmagan­dang-loob na hinabol ang suspek. Nakitulong na­man sa paghabol ang mga tambay at nang abu­tan ang suspek ay gi­nulpi. (Danilo Garcia)

Show comments