MANILA, Philippines - Halos magkasabay na nilooban ang isang hotel room at isang okupadong silid ng isang condominium sa Sampaloc at Malate sa Maynila nitong nakalipas na Biyernes at Sabado, ayon sa ulat ng Manila Theft and Robbery Section kahapon.
Nabiktima ang isang 27-anyos na tourist guide na si Romyl Chris Lee na gumagamit sa Room 324 ng Soho Hotel sa M.H. del Pilar st., Malate.
Natuklasang nawawala na ang tatlong cellphone at nakatagong p40,000 cash sa kanyang silid.
Ikalawang nagreklamo ang isang Roderick Madninio, 38, na nilooban umano ang inuokupahang Room 204 sa Loreto Condominium sa Sampaloc sa pagitan ng alas-8:30 ng gabi ng Biyernes.
Natangay umano ang P120,000 halaga ng kanyang mga alahas at mahahalagang dokumento tulad ng insurance policies at passports at ilang medalya. (Ludy Bermudo)