Obrero hulog sa ginagawang gusali, pisak
MANILA, Philippines - Isang 20-anyos na construction worker ang nasawi matapos na mahulog sa 25 talampakang taas ng pinipintahan nitong gusali sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Nagtamo ng labis na pinsala sa ulo na siyang ikinasawi ng biktimang si Ace Arnold Senita, binata at residente sa Package 2, Block 26, Lot 14, Bagong Silang Caloocan City.
Sa ulat ni PO3 Joseph Madrid, imbestigador, nangyari ang insidente dakong alas-2:30 ng hapon sa may covered court ng construction site sa Grace Christian College na matatagpuan sa Brgy. Apolonio Samson sa lungsod.
Nauna rito, nakatayo umano sa hamba ang biktima kasama ang katrabahong nakilala sa alyas July sa tuktok ng pinipintahang gusali nang mawala sa linya ang scaffolding na tinatapakan ng mga ito. Dahil dito, nawalan ng balanse ang dalawa hanggang sa tuluyang bumigay ang inaapakan nila at tuluyang bumulusok ang mga ito paibaba.
Sinasabing nagawa namang makapaglambitin ni July sa tali kung kaya nakaligtas ito mula sa pagkakabagsak subalit ang biktima, bagama’t nagawa ring makahawak sa hamba ay nagtuluy-tuloy naman paibaba kung kaya tuluyang humampas ang katawan nito sa semento.
Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng grabeng pinsala ang ulo ng biktima na nagawa pang maisugod sa Manila Central University Hospital ngunit idineklara ring patay makalipas ng ilang oras.
- Latest
- Trending