MANILA, Philippines - Nahulog sa kamay ng mga awtoridad ang isa sa apat na miyembro ng itinuturing na most wanted hired killer ng Waray-Waray group at itinuturong responsable sa pagpatay sa isang dating kagawad ng Eastern Police District (EPD) makaraang maaresto ito ng awtoridad kahapon ng umaga sa lungsod Pasig.
Kinilala ni P/Insp. Oscar Boyles, hepe ng warrant section ng Pasig Police Station, ang suspek na si Oliver dela Cruz, alyas “Evil”, 25; binata, tubong Sta. Rita, Samar, umano’y miyembro ng kilabot na Waray-Waray Group at pansamantalang naninirahan sa Venancio Caliwang St., Brgy. Pinagbuhatan, ng nasabing lungsod.
Si Dela Cruz ay nadakip sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Franco Falcon ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 71, dahil sa kasong murder.
Sinasabi ni Boyles, mahigit kalahating taon na umano nilang tinutugis ang nasabing suspek mula ng mapatay nito sa pamamaril si PO2 Janno Condino, na dating nakatalaga sa Anti- Illegal Drugs Operation Task Force (AIDSOTF) sa Camp Crame noong nakaraang Nobyembre.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang pagtugis ng mga awtoridad sa iba pang grupo ng suspek na patuloy na nakakalaya pa na umano’y nagtatago sa Samar at Pangasinan. (Ricky Tulipat)