German national niratrat, patay
MANILA, Philippines - Patay agad ang isang German national matapos na tadtarin ng bala ng dalawang hinihinalang hired killers ilang hakbang lamang ang layo sa bahay nito sa lungsod ng Quezon kahapon ng umaga.
Iniwan na lamang ng mga suspek na duguang nakahandusay sa kalsada ang biktimang si Martin Kessler, 46, negosyante ng Rm. 208 ng isang apartment sa #62. Gen. Lim St., Heroes Hill, Brgy. Sta. Cruz, sa lungsod matapos na paulanan ng bala ganap na alas 5:45 ng umaga.
Nangyari ang pamamaslang habang naglalakad umano ang biktima patungo sa kanyang sasakyan na nakaparada 50 metro mula sa kanyang bahay kung saan biglang sumulpot ang isa sa mga suspek at barilin ito sa batok.
Ayon sa mga saksi, bago ang insidente matagal na umanong naghihintay ang dalawang kalalakihan sa labas ng bahay ng biktima at nang lumabas ito ng pintuan ay saka sumunod at binaril ito sa likod. Sinasabing nang bumuwal sa kalsada ang biktima ay hindi pa nasiyahan ang mga suspek at muli pang pinagbabaril sa katawan, bilang paniguro na hindi na ito mabubuhay, bago naglakad papalayo sa lugar na parang walang nangyari.
Sa pagsisiyasat ng QCPD-SOCO, si Kressler ay nagtamo ng tama ng bala sa batok, kaliwang braso, binti at dibdib na siyang ikinamatay nito.
Isinantabi na ng awtoridad ang motibo ng robbery dahil nasa bulsa pa ng biktima ang pitaka nito at intact ang laman.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad upang matukoy ang tunay na motibo ng krimen na hinihinalang may kinalaman sa negosyo. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending