MANILA, Philippines - Isang pinaghihinalaang Chinese big-time drug trafficker at dalawa nitong kasabwat ang nasakote ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kasunod ng pagkakasamsam sa tinatayang P12M halaga ng shabu sa drug-bust operations sa Binondo, Manila.
Sinabi ni NCRPO director Chief Supt. Roberto “Boysie” Rosales ang nasakoteng Chinese drug dealer na si John Wu, alyas Andy, 36, naka-billet sa Manila Hotel.
Ang dalawa pa nitong kasabwat ay nakilala namang sina Deron Teddy Mamao, alyas Ted, 34; at Mangundao Amir Hussin Maundas, 28; kapwa tubong-Marawi City, Maguindanao.
Sinabi ni NCRPO-Regional Police Intelligence Operations Unit (RPIOU ) Chief, Supt. Leo Francisco, ang tatlong suspect ay nasakote ng kanilang mga operatiba sa harapan ng isang fastfood chain sa kahabaan ng Plaza Lorenzo Ruiz, Binondo, dakong alas-11 ng umaga kamakalawa.
Nasamsam sa tatlong suspect ang 2.3 kilo ng shabu, isang itim na Toyota Altis (XEX 166 ) at isang kulay abong Mitsubishi Outlander (ZTD- 339). Ang mga suspect ay ipinagharap na ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Dangerous Drug Law kaugnay ng pagtutulak at posesyon ng illegal na droga sa Manila City Prosecutor’s Office.