Fetus iniwan sa baggers counter ng drug store
MANILA, Philippines – Isang pitong-buwang gulang na lalaking fetus ang natuklasan ng security guard sa baggers counter ng isang drug store ilang oras matapos iwan ng isang hindi nakikilalang ginang sa lungsod Quezon kamakalawa.
Ayon sa ulat ang fetus ay natuklasan ng security guard na si Ferdinand Velasquez makaraang mapuna ang nag-iisang kahon na nakalagay sa hilera ng counter ng Mercury drug na matatagpuan sa Aurora Blvd. corner Pinatubo, Cubao sa lungsod ganap na alas-11 ng gabi.
Bago ang insidente, isang ginang umano na nagkunwaring kostumer ang sinasabing nag-iwan ng kahon sa baggers counter. Ilang beses umanong nakitang pabalik-balik ang ginang sa nasabing tindahan hanggang sa magpasya itong umalis na hindi kinuha ang iniwan nitong kahon.
Makalipas ang ilang oras, napuna ni Velasquez ang naiwang kahon dahilan upang kanya itong siyasatin hanggang sa bumulaga ang nasabing fetus. Sa kasalukuyan ang fetus ay nasa pangangalaga ngayon ng homicide section ng Camp Karingal para sa kaukulang imbestigasyon. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending