20 Manila councilors pinaboran ang pananatili ng oil depot

MANILA, Philippines – Nagkagulo kahapon sa konseho ng Maynila matapos na mag-walk out ang may 14 na minority councilors na pawang mga tutol na maipasa sa 3rd and final reading ang ordinansa na inihain ni Manila 1st district councilor Arlene Koa na nagpapanatili sa Pandacan Oil depot.

Kasabay nito, 20 konsehal naman ang puma­bor na maipasa ang ordinansa na pinamagatang “Ordinance Amending Ordinance No. 8119, o mas kilala sa “ The Manila Comprehensive Land Use and Zoning Ordinance of 2006 sa pama­magitan ng paglalagay ng medium industrial zone and heavy industrial zone.

Ang walk-out na pinangunahan nina Minority Floor leader Manuel Zarcal, 3rd District Councilor Joel Chua at 6th District Councilor Bonjay Isip-Garcia ay naglalayong ipakita ang kanilang pag­tutol sa pagkakaroon ng nominal voting sa kung dapat o hindi dapat na pagbotohan ang   pagpasa ng ordinansa.

 Ayon kay Zarcal, hindi nila titigilan ang isyu at patuloy nilang kukuwestiyunin sa korte ang validity ng nasabing ordinansa lalo pa’t may mga konsultasyong isinasagawa sa hanay ng mga lider ng simbahan at mga barangay officials.

Binigyan-diin naman ni Vice Mayor Francisco Moreno na karapatan ng mga minority councilor ang mag-walk out dahil hindi napaboran ang kanilang mosyon.

Aniya, ang lahat ay nirerespeto niya subalit kailangan lamang niyang ipatupad ang batas para sa kapakanan ng nakararami. Iginiit ni Moreno na maraming Manilenyo ang mawawalan ng trabaho kung paalisin ang mga kompanya sa Pandacan.

Tinawag naman ni 5th district Councilor Erick Valbuena na isang “KSP move” ang ginawang pagwo-walk out ng mga konsehal dahil natalo sila sa bilangan. Aniya, inaasahan naman nila na mangyayari ito. Kabilang sa mga hindi maaalis sa Pandacan ay ang Unilever Philippines, Petron Corporation, Pilipinas Shell, Phimco Industries, YSS Labora­tories, Chevron, at Phil. Foremost Milling Co. (Doris Franche)


Show comments