Karnaper tinodas ng kabaro
MANILA, Philippines – Bumulagta habang sakay ng motorsiklo ang isang hinihinalang karnaper nang tatlong beses na barilin ng kaniyang angkas na lalaki, sa Sta. Mesa, Maynila kahapon ng tanghali.
Dead-on-the-spot ang biktimang inilarawan sa edad na 25-30 anyos, may tattoo ng “Sigue-sigue sputnik” sa kaliwang hita hanggang balakang, naka-itim na t-shirt na may tatak na “HCO22”, maong na shorts at itim na tsinelas dahil sa tatlong bala na bumaon sa kaniyang katawan. Mabilis na tumakas ang suspek na pinaniniwalaang kasamahan sa iligal na gawain ng biktima.
Sa imbestigasyon ni Det. Ricardo Mendoza ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-12 ng tanghali nang maganap ang insidente sa Pat Antonio St ., Sta Mesa, Maynila.
Sinabi umano ng mga nakasaksi na ang biktima ang nagmamaneho ng asul na Honda motorcycle na may nakakabit na ‘for registration’ at naka-angkas umano ang suspek habang binabagtas ang Pat Antonio St. nang makarinig sila ng mga putok ng baril at nakita na lamang na nakahandusay na sa kalye ang biktima.
Ayon sa naunang rumesponde na si PO3 Robert Matutina, ng MPD-Station 8, natuklasan niya sa pagsisiyasat na ang nakakabit na ‘for registration’ ay sinadyang ipalit nang madiskubre na nasa loob pa ng compartment ng motorsiklo ang orihinal na plaka nito na 7911 PA.
Matapos ang beripikasyon sa Land Transportation Office (LTO), natukoy na isang Gil Ewali ang nagmamay-ari ng nasabing motorsiklo kung saan nakarekord din na nakarnap ito noong Mayo 2, 2009 habang nakaparada sa isang lugar sa Taguig City. Isang helmet ang narekober sa crime scene, cash mula sa biktima at ang carnapped vehicle na kanilang sinakyan. Posible umanong nagkagalit ang biktima at suspek kaugnay sa kanilang iligal na gawain o maaring onsehan. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending