Utang sinisilip na motibo sa pag-ambus sa IT firm executive
MANILA, Philippines - Tinututukan ngayon ng mga imbestigador ng Pasig City police ang anggulong pagkakaroon ng malaking utang ng 40-anyos na lady sales manager ng isang information technology company na maaaring dahilan ng pananambang dito sanhi ng kanyang kamatayan, kamakalawa ng umaga.
Sinabi ni SPO2 Roger Bal tazar, ng Pasig Criminal Investigation Branch, nakakuha sila ng magandang lead sa nilalamang “text messages” sa cellular phone ng biktimang si Liberty Liwanag, residente ng Block 6 Lot 11 Phase-2 Millenium Garden, Jenny’s Avenue, Brgy. Rosario, ng naturang lungsod.
Nabatid na naglalaman ang mga text message ng paniningil kay Liwanag kung kailan mababayaran ang kanyang pagkakautang. Hindi naman nito binanggit kung gaano kalaki ang pagkakautang ng biktima at maging ang pagkakakilanlan ng naturang texter upang hindi masunog ang kanilang isinasagawang imbestigasyon.
Sinabi ni Baltazar na kanilang iimbitahan sa istasyon ng pulisya ang naturang texter sa oras na ma-locate nila ito ngunit hindi pa itinuturing na suspek. Bukod sa texter na pinagkakautangan ng biktima, kanila ring iimbitahan ang iba pang huling tinawagan ni Liwanag bago ito pinaslang upang mabatid kung ano ang kanilang napag-usapan.
Bukod sa naturang anggulo, tinitignan rin nila ang posibilidad na may personal na kaaway, love triangle o may kaugnayan sa negosyo o trabaho ng biktima ang krimen. Ngunit nakatutok sila ngayon sa anggulong utang dahil sa suportado ito ng text messages.
Matatandaang tinambangan ng sinasabing dalawang lalaki sakay ng motorsiklo si Liwanag dakong alas-10:50 ng umaga habang sakay ng kanyang puting Toyota RAV 4 ( XPE-377) sa kahabaan ng Julia Vargas St., corner Lanuza Ave., sa Ortigas, Pasig City. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending