Tensyon sumiklab sa demolisyon: 8 sugatan
MANILA, Philippines - Walo katao ang nasugatan makaraang sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng mga sundalong miyembro ng demolition team at ng mga apektadong residente nang gibain ng mga una ang kabahayan ng mahigit sa 1,000 pamilya, kahapon ng umaga sa Taguig City.
Kinilala ang isa sa mga nasugatan na si Joemar dela Cruz, na sinasabing sinuntok, pinagpapalo at pinagsisipa ng isang sundalo ng Philippine Army na kasapi ng demolition team.
Nabatid na nagsimulang sumiklab ang kaguluhan dakong alas-8 ng umaga nang ipatupad ang pagggiba sa mga kabahayan na nakatirik sa loteng pag-aari ng gobyerno mula sa apat na barangay ng Western Bicutan, Taguig City.
Batay sa isang memorandum na nilagdaan ni Lt. Col. Salic Pangadir, task group adjutant na inilabas noong May 7, 2009 ng Task Group Bantay ng Philippine Army, binigyan na ng tatlong araw ang mga residente sa Masigasig, Masagana, bahagi ng Katipunan at Sunriser upang boluntaryo nilang gibain ang kanilang bahay na iligal na itinayo sa naturang lugar.
Matapos ang ibinigay na taning ni Pangadir para sa mga residente ng Sitio Masigasig, kahapon ay dumating sa lugar ang may 20-sundalo na naka-full battle gear, pawang armado ng malalakas na kalibre ng baril, truncheons at shields upang ipatupad ang naturang memorandum.
Nagsimula na ang tensiyon at kaguluhan nang manlaban ang mga residente sa mga sundalo na nag-resulta naman sa pagkaka-sugat sa magkabilang panig.
Dahil sa malakas na pwersa ng Philippine Army na nakaantabay sa lugar, walang nagawa ang mga residente na nagsilikas dala ang kanilang mahahalagang kasangkapan.
Ayon naman kay Wilma Superales, secretary general ng Nagka kaisang Maralita ng Sitio Masigasig Inc., halos 1,000 pamilya ang apektado ng eviction order at walang masisilungan sa ngayon.
Napag-alaman na noong taong 2006, una ng nagpalabas ng resolution ang Commission on the Settlement of Land Problems (Coslap), na ang kinukuwestiyong lote ay idineklarang “alienable and disposable” sa ilalim ng Presidential Proclamation 2476 na inisyu ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Samantala, isang press statement naman na inisyu kahapon ng tanggapan ni Taguig City Mayor Freddie Tinga na nagsasabing pansamantalang ipinatigil na ng alkalde ang nasabing demolisyon at inatasan na nito ang social welfare office ng lungsod para bigyan ng kaukulang tulong ang mga naapektuhang residente. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending