Pedopilyang Australyano, arestado
MANILA, Philippines – Inaresto ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang pedophile na Australian doctor makaraan itong mahuli sa aktong minomolestiya ang isang 12-anyos na bata sa parking lot ng isang condominium sa Makati City.
Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Raul Castañeda ang naarestong suspect na si Marcus Hodge, 47.
Nasakote rin ng mga tauhan ng PNP-CIDG ang umano’y bugaw na si Wilson Culling, 21.
Ayon kay Senior Supt. Theresa Cid ng CIDG Women’s and Children’s Protection Office na naaresto si Hodge at si Culling sa loob ng sasakyan ng naturang Australian doctor dakong alas-7:45 ng gabi nitong Linggo habang minomolestiya ang isang labing dalawang taong gulang na bata.
Bago nangyari ang naturang police operation, humingi umano ng tulong ang batang biktima para sa pagkadarakip sa Australian pedophile dahil ilang ulit umano siya nitong pinagsamantalahan. Sinabi pa ni Cid na umamin din si Culling na dati niyang kliyente si Hodge bago ito nagpasya na maging bugaw dahil na rin daw sa kahirapan sa buhay.
Nabawi ng mga awtoridad kay Hodge ang dalawang underwear, mga condom at jelly ointment. Sinampahan naman ng PNP-CIDG ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Person Act of 2003 sina Hodge at Culling sa Makati City Prosecutor’s Office.
- Latest
- Trending