Koreano nakadispalko

MANILA, Philippines - Himas-rehas ngayon ang isang Korean national matapos na ireklamo ng isang negosyanteng ginang ng hindi pagre-remit ng kanilang kinita sa isang bar na bina­bantayan ng suspek sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Ang suspek ay kinilalang si Cho Doo Ho, 38, binata, at residente sa Visayas Avenue sa lungsod.

Siya ay ipinaaresto ng kanyang among si Florentina Saplala, 39, dalaga, ng 103 Natividad St., Caloocan City.

Base sa reklamo ng ginang, si Ho ay tinanggap niya bilang empleyado sa kanyang LSJ 2000 KTV bar na mata­tagpuan sa 136 Timog Ave. Brgy. Sacred Heart, Quezon City QC noong Marso 26.

Sinasabing nagsimula ang insidente nang mabigo ang suspek na mag-remit ng pera sa kanyang amo noong Mayo 7 at Mayo 8 ng kasalukuyang taon kung saan ang ikinatwiran umano nito ay naholdap siya ng tatlong kalalakihan sa Quiapo, Manila.

Pinagbigyan ito ng ginang kung saan nangako ang suspek na ibibigay ang pera sa Mayo 9 ngunit pagsapit ng nasabing petsa ay hindi na naman ito lumutang sa tanggapan ng una kung kaya nagpasya itong magrek­lamo sa pulisya. (Ricky Tulipat)

Show comments