MANILA, Philippines - Isang 21-anyos na contract worker ng Maynilad Water Services ang pinagsasaksak hanggang mapatay ng isang tricycle driver habang nakikitulog siya sa bahay nito sa Bilibid Viejo St., Quiapo, Manila kahapon ng madaling-araw.
Lumilitaw sa pangunang pagsisiyasat na naghinala ang suspek na si Joel Orolfo, 31 anyos, na meron umanong relasyon ang biktimang si John Paul Burral ng Novaliches, Quezon city sa kanyang kinakasamang babae nang makitulog ito sa kanyang bahay kasama ng babae.
Binawian ng buhay si Burral habang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center bunga ng tinamong saksak ng screw driver sa dibdib at likod.
Mabilis na naaresto ng mga rumespondeng kapitbahay si Orolfo.
Nauna rito, nagulat si Orolfo nang, sa pag-uwi niya sa kanyang bahay bandang alas-3:00 ng madaling-araw, nakita niyang natutulog doon si Burral kasama ang live-in partner niyang si Annalyn Sia, 30, at ng kanilang anak.
Dahil sa pagdududang karelasyon ni Annalyn si Burral, walang sabi-sabing sinaksak niya ito sa pamamagitan ng dala niyang screw driver.
Nabatid na madalas na pinapatulog ni Annalyn ang biktima na kaibigan niya dahil malayo ang inuuwiang bahay nito na hindi naman alam ng suspek na madalas hindi umuuwi. (Ludy Bermudo)